-- Advertisements --
VLADIMIR PUTIN
Russian President Vladimir Putin

Tiyak na umano ang pananatili sa kapangyarihan ng kontrobersiyal na presidente ng Russia na si Vladimir Putin hanggang 2036 matapos ang inisyal na bilangan sa ginanap na referendum sa pagbabago ng kanilang konstitusyon.

Ayon sa kanilang Central Election Commission nasa 74% ng mga boto sa tinaguriang world’s largest country ang sumuporta sa mga pagbabago sa kanilang saligang batas.

Kabilang sa referendum ay ang pagpayag ng mamamayan na tumakbo pa ng dalawang beses ang 67-anyos na si Putin na may tig-anim na taon kada termino.

Sinasabing ang turnout ng mga bomoto ay umabot sa 65 percent, samantalang ang kailangan lamang daw sana ay 50 percent o simple majority of voters.

Inabot din ng pitong araw ang botohan upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.

Agaw pansin ang referendum dahil hinikayat pa ang kanilang mamamayan na bomoto dahil may raffle pa at may ibibigay na premyo tulad ng matitirhan na bahay.

Kabilang pa sa pagbabago sa referendum na ipinangako ay pension protection at ban sa same-sex marriages.

Kung maalala dalawang beses na ring nahalal bilang presidente si Putin at ang kanyang kasalukuyang termino ay magtatapos sa taong 2024.