Patuloy na nakararanas ng maulang panahon ang ilang bahagi ng bansa bunsod ng epekto ng trough ng isang low pressure area (LPA) na nakaaapekto sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Inaasahan ding magiging bagong bagyo ito sa mga susunod na araw.
Habang ang southwest monsoon o habagat ay naghahatid din ng ulan sa Southern Luzon at sa natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ang mga apektado ng LPA extension ay kinabibilangan ng Eastern Visayas, Caraga Region at Davao Region.
Ayon sa weather bureau, ang mga nabanggit na rehiyon ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog, dulot ng trough ng LPA. Pinapayuhan ang mga residente na mag-ingat sa posibleng flash floods at landslides, lalo na sa mga lugar na mababa at bulubundukin.
Samantala, ang Southern Luzon, Visayas, at Mindanao ay patuloy na naaapektuhan ng Habagat, na nagdadala rin ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa ilang probinsya gaya ng Occidental Mindoro, Palawan, Antique, at Negros Occidental.