-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na sila’y nag-isyu na ng ‘immigration lookout bulletin order’ kontra kina Charlie ‘Atong’ Ang, aktres na si Gretchen Barretto, dating National Capital Region Police Office Director Police Major General Jonnel Estomo at iba pa.

Ito mismo ang inihayag ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Jesus Crispin Remulla kung saa’y kanyang inihayag na insyuhan rin maging ang lahat ng nasa anim na pu’-respondents ng reklamo kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.

“Meron na naman na tayong lookout bulletin sa lahat eh, it’s already there, meron na. Mga binanggit ni Patidongan have been issued lookout bulletin already”, ani Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Kaya’t sa kasalukuyan ay kanila ng pinababantayan sa Immigration ang posibleng pag-alis o paglabas man ng mga ito sa bansa.

Habang isiniwalat naman ni Justice Secretary Remulla na ang isa sa mga ito’y kanilang napag-alamang nakalabas ng bansa at hindi tiyak ang kasiguraduhan kung siya’y nakabalik na.

“May isang umalis ng bansa, ewan ko lang kung nakabalik na. Meron kasi umalis na pero di’ pa namin alam kung nakabalik na. Kapatid siya ni Atong Ang,” dagdag pa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Bagama’t inaakusahan bilang mastermind sa likod ng pagkawala ng mga sabungero, maaalalang ito’y mariin ng pinabulaanan ni Charlie Atong Ang at maging ang nasasangkot rin na aktres na si Gretchen Barretto.

Samantala ayon naman kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, pinag-aaralan na ng prosekusyon ang paghingi ng ‘preventive hold departure order’ sa korte.

Kung mapag-alamang may banta na umalis papalabas ng bansa ang mga respondents, aniya’y may opsyon o basehan para sa paghingi ng naturang kautusan.

“During the preliminary investigation, the prosecution is allowed to apply for a preventive hold departure order. So we will study that if for example there is basis to anticipate that any of them might abscond or leave the country, or there is that danger, then the prosecutors handling the case can apply for a PHDO,” ani Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ng Department of Justice.

Habang kanya rin pang ibinahagi na natapos na ang evaluation ng reklamong ‘murder’ at ‘serious illegal detention’ inihain ng kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Susunod na aniya rito ang preliminary investigation at maging ang pagpapadala ng ‘subpoena’ kontra mga respondents.