Kinumpirma ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., na inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng emergency use authorization (EUA) para sa Russian made single-shot “Sputnik Light” vaccine.
Ayon kay Sec Galvez ang Sputnik Light ay iba sa Sputnik V’s two-dose vaccine na manufactured din ng Russian pharmaceutical na Gamaleya.
Sinabi ni Galvez malaking tulong sa nagpapatuloy na vaccination program ng gobyerno ang pagbigay ng FDA ng EUA sa single-shot na Sputnik Light.
Ayon naman kay FDA Director General Eric Domingo, naaprubahan ang EUA ng Sputnik Light noong Biyernes, August 20.
Sinabi ni Domingo ang Sputnik Light vaccine ay isang human adenoviral vector platform vaccine na gawa ng Russian firm Gamaleya kung saan gaya lang din ito sa Janssen vaccine ang kauna-unahang single-dose vaccine na inaprubahan for emergency use sa bansa.
Ayon naman sa Russian Direct Investment Fund, ang Sputnik Light ay mayroong efficacy ng 79.4% at ang cold storage temperature requirement nito ay nasa 2ºC hanggang 8ºC.
Iniulat naman ng kalihim na as of August 23, ang Pilipinas ay nakatanggap na ng higit 48,522,890 doses ng COVID-19 vaccines simula noong buwan ng February.
Dagdag pa ni Galvez mas marami pang bakuna ang nakatakdang i-deliver sa bansa sa buwan ng Septyembre.
Ngayong linggo may inaasahan pa na 5 million na bakuna ang makukuha ng Pilipinas.
Inihayag din ng vaccine czar na bukod pa sa mga padating na procured vaccines sa susunod na buwan, ilang bansa din ang nangakong magdo-donate ng milyong doses ng COVID-19 vaccine.
Dahil dito hinimok ni Galvez ang publiko na mag-sign up na para mabakunahan.