Nagbabala ang mga opisyal ng Estados Unidos dahil sa muli na namang paglutang ng cyberattacks sa ilang networks ng federal agencies tulad na lamang ng Treasury at Commerce department.
Hinihinala na Russian government ang nasa likod ng pagtatangka na i-hack ang mga sensitive data ng mga nasabing government agencies.
Iniimbestigahan na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at Department of Homeland Security ang sinasabi ng mga eksperto at ilang dating opisyal na tila large-scale penetration ng U.S government agencies.
Ayon kay cybersecurity Dmitri Alperovitch, posible raw na maging dahilan ito ng malawakang espionage campaign sa buong kasaysayan ng Amerika.
Isinapubliko lamang ang pangha-hack na ito ilang araw matapos isiwalat ng isang cybersecurity firm na mayroong foreign government hackers ang nakapasok sa kanilang network at ninakaw ang sariling hacking tools ng kumpanya.
Maraming eksperto ngayon ang naniniwala na responsable ang Russia sa naturang pag-atake sa FireEye, isang malaking cybersecurity player kung saan ang mga customers nito ay federal, state, at local governments at top global corporations.