-- Advertisements --

Posibleng ilabas na raw ng Supreme Court (SC) ngayong Enero ang desisyon sa poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo dahil umano sa iregularidad ng halalan noong 2016 presidential election.

Ito raw ang ipinangako ni SC Associate Justice Marvic Leonen na siyang magsusulat ng desisyon sa naturang kaso.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source ng Bombo Radyo Philippines sa Korte Suprema, noong Disyembre raw ay nagbigay ng assurance si Leonen sa mga mahistrado na maglalabas ito ng draft resolution ngayong buwan.

Sa katunayan, kasama raw ang naturang isyu sa high court agenda noong Enero 5, 2021 sa kanilang en banc session pero wala umanong aksiyon sa sinasabing desisyon kasi bigong maglabas si Leonen ng kanyang ipinangakong draft ruling.

Dahil dito, umapela na umano ang ilang mahistrado na ilabas na ang ruling dahil magsasagawa na ng halalan sa susunod na taon.

Taong 2017 nang lumabas ang 25-page draft resolution ni Leonen bago ito ma-assign bilang ponente ng poll protest case at nakalahad dito ang kanyang pagnanais na maibasura ang poll protest ni Marcos dahil sa bigo umano ang complainant na tukuyin ang “acts of fraud,” mga anomalya at iregularidad sa mga poll precincts na kasali sa protest.

Sa isinagawang halalan noong 2016, lamang si Robredo ng 263,473 na boto laban sa dating senador.