Kumpiyansa si Presidential Spokesman Harry Roque na hindi babalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila sa Agosto 1.
Sinabi ni Sec. Roque, wala namang paglala sa case doubling rate ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa mga nagdaang mga araw.
Pero, may gagawin umanong pagpupulong mamaya ang mga Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) at pag-uusapan ang quarantine protocol na ipatutupad simula sa Agosto 1.
Mayroon na umanong rekomendasyon ang Department of Health (DOH) kaugnay dito pero pag-uusapan pa sa gagawing meeting mamaya.
Dapat sana ay nasa mas mahigpit pang quarantine protocol ang NCR nitong Hulyo 16 batay na rin sa rekomendasyon ng eksperto mula sa University of the Philippines (UP) pero nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na manatili na lang sa general community quarantine (GCQ) ang rehiyon kasunod na rin ng apela nina Interior Sec. Eduardo Año at National Task Force against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr.