Bigong makahanap ng DNA profile ang Philippine National Police (PNP) Forensics Group sa mga butong narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) technical divers sa Taal Lake sa Batangas.
Sa isang pulong balitaan sa Kampo Krame, inihayag ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na naging challenging para sa forensics group ang paghahanap ng DNA profiles mula sa mga buto na siyang na-submerged ng matagal na panahon sa ilalim ng lawa ng Taal.
Aniya, malaki din ang posibilidad na contaminated na ang mga buto matapos na mababad sa ilalim ng lawa ng apat na taon dahilan para mahirapan na makahnap ang mga otoridad ng mga DNA samples mula dito.
Bagamat walang nahanap na DNA profiles sa mga buto mula sa lawa ay kinumpirma naman ni Fajardo na mayroong tatalong DNA profiles ang natuklasan sa mga butong nahanap sa isang sementeryo sa Batangas.
Aniya, mula sa tatlong bangkay, naberepika na mayroong DNA profiles na mula sa dalawang lalaki at isang babae.
Kasunod nito ay nagnegatibo naman ang mga DNA samples sa cross matching na mula sa 23 kamag-anak ng mga nawawalang sabungero na siyang mga pumayag naman na magamit ang kanilang mga DNA bilang mga references para sa cross matchings.
Samantala, muli namang nanawagan ang tagapagsalita ng Pambansang Pulisya sa mga iba pang kaanak ng mga nawawalang sabungero na maaaring makapagbigay ng kanilang mga DNA samples upang magamit na reference sa mga susunod pang cross matching.
Paliwanag pa ni Fajardo, bukas at inihahayag naman ng kanilang hanay sa publiko ang kondisyon at maging ang estado ng mga nakuhang mga kasuotan ng mga posibleng biktima ay agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan upang masailalim sa DNA samples at cross matching.
Sa kasalukuyan, patuloy naman ang Pambansang Pulisya sa pakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) para sa ikareresolba ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Inaasahan din na magpapatuloy sa pagkakasa ng search and retrieval operations ang PCG sa Taal Lake hanggang sa maikot nila ang buong katubigan at matiyak na walang makakaligtaan sa imbestigasyon ng kaso.