Tinawag ni dating Presidential spokesman Atty. Harry Roque na politically motivated ang inisyatiba ng Department of Justice (DOJ) na kanselahin ang kaniyang pasaporte.
Giit ni Roque na parte ng pagsisikap ng Marcos administration ang planong pagkansela ng kaniyang pasaporte para patahimikin siya bilang bokal na kritiko ng administrasyon at kaalyado ng mga Duterte.
Sinabi din ni Roque na premature pang pag-usapan ang kanselasyon ng kaniyang pasaporte dahil sa kaniyang inihaing motion for reconsideration noong nakalipas na linggo na humihiling sa DOJ na ibasura ang kaniyang kaso.
Kung saan sa kaniyang mosyon, inihayag niyang wala ni isang ebidensiya na iprinisenta ang nagpapatunay na nakagawa siya ng pag-oorganisa, pagbibigay ng suportang pinansyal o pag-uutos sa ibang tao na gumawa ng human trafficking, gayundin wala aniyang tumestigo na nakagawa siya ng trafficking o pakikipagsabwatan at hindi din aniya siya binanggit sa affidavits ng mga biktima ng human trafficking.
Samantala, sinabi ni Atty. Roque na isasama niya ang panibagong political harassment laban sa kaniya bilang ebidensiya sa kaniyang aplikasyon para sa asylum sa Netherlands.
Si Roque, na kasalukuyang nasa Netherlands, ay mayroong standing arrest warrant matapos siyang kasuhan ng state prosecutors kasama ang mahigit 40 iba pa ng qualified human trafficking at multiple counts ng human trafficking.
Nag-ugat ang kaso sa pagkakasangkot umano ni Roque sa sinalakay na iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga.