Inihayag ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na pinaniniwalaang pang-buong bansa o nationwide ang naging papel ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya hinggil sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay Justice Secretary Remulla, posibleng ganito kalawak ang naging role ng mag-asawang Discaya sapagkat sila’y nakakuha ng mga proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kaya’t itinuturing ng naturang kalihim ang mga ito bilang isa sa mga pinakakaibang mga kontratista sa Pilipinas na kinayang pasukin maging ang ganitong lawak o dami ng mga proyekto mula sa gobyerno.
Bunsod nito’y ibinahagi ni Justice Secretary Remulla na kanilang iimbestigahan at babalikan muli ang mga transaksyon o proyektong nakuha ng mga kontratista simula 2016 hanggang sa taon kasalukuyan.
Kahit pa ilang taon na nakalilipas, nais maberipika at mapasuring maigi ng Department of Justice ang mga ito para sa nagpapatuloy na case buildup ukol sa flood control projects anomaly.
Paliwanag naman ng kalihim kung bakit kasama pati mula 2016 na mga proyekto sa mga iimbestigahan, aniya’y dito raw kasi nag-umpisang lumaki ang mga kontratang nakukuha ng mag-asawang Discaya.
Kanyang sinabi na bagama’t 2007 pa nagsimula ang mga ito sa kanilang construction firms, giit ng kalihim na taong 2016 lumawak ang kanilang negosyo.
Habang sagot naman ni Justice Secretary kung ang tinitingnan mga sangkot na kongresista ay mula Luzon, Visayas at Mindanao, aniya’y kanila pa itong pinoproseso sa kasalukuyan.
Aabot raw kasi libu-libong mga proyekto o kontrata ang nakuha ng mag-asawang Discaya na ngayon ay masusing iniimbestigahan pa ng Department of Justice.
Buhat nito’y binigyang diin ng kalihim na isasailalim pa sa mga serye ng pagtatanong ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ukol sa kanilang mga nalalaman sa flood control projects.
Aniya’y kahit pa maganda ang records ng mag-asawa ay dadaan pa sa maghabang proseso ang kanilang mga testimonya upang maberipika at masuri pang maigi.