Negatibo mula sa coronavirus disease (COVID-19) si Vice President Leni Robredo matapos ma-expose sa isang kumpirmadong kaso noong nakaraang linggo.
Ayon sa Office of the Vice President, negatibo rin mula sa COVID-19 ang ilang staff ng tanggapan, kabilang na si Usec. Boyet Dy, ang chief-of-staff ni Robredo.
Nitong Linggo nang inamin ng pangalawang pangulo na agad silang nag-self quarantine ng mga staff, matapos malaman noong Biyernes na positibo pala sa COVID-19 ang isa sa mga nakasalamuha nila sa isang aktibidad noong nakaraang linggo.
Sa isang online post nagpasalamat si Robredo sa mga nagpaabot ng dasal para sa kaligtasan ng mga na-expose na OVP staff.
Dahil dito, tuloy na raw ang mga naka-schedule na aktibidad ng tanggapan sa mga susunod na araw.
“All the activities today and the succeeding days will proceed as scheduled. Thank you all for your prayers and well wishes. They are very much appreciated.”
Magugunitang na noong Hulyo, apat na staff ng OVP ang nag-positibo sa COVID-19. Pero negatibo rin noon sa sakit ang bise presidente.