-- Advertisements --

Binigyan-diin ni Vice President Leni Robredo na mahalaga ang paggamit ng mga operatiba ng body cameras tuwing magsasagawa ng anti-illegal drugs operations.

Ayon kay Robredo, ito’y para maprotektahan ang integridad ng operasyon ng mga law enforcement agents at maging ang publiko.

Kung maaalala, kadalasang sinasabi ng mga pulis na nanlalaban ang mga suspek sa mga buy bust operations kaya nagkakaroon ng palitan ng putok sa magkabilang panig na nauuwi sa pagkakaroon ng casualties.

Subalit sa kabila nito, madalas ay wala namang eyewitness na lumulutang para magpatunay sa nangyari sa mga operasyon.

Kaya naman sinabi ni Robredo na kanyang aalamin kung kailangan nga ba ng gobyerno na mag-invest sa pagbili ng mga body cameras sa oras at magkakaroon siya ng pagpupulong kasama ang mga nasa law enforcement cluster sa susunod na linggo.

Nitong linggo lang ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Kahapon naman ay nakipagpulong siya kay Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino kasama ang iba pang miyembro ng ICAD.