Hindi makakadalo ng personal sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo.
Ito ang kinumpirma ng pangalawang pangulo sa kanyang weekly radio program, dahil imbitasyon para sa online viewing ng SONA lang daw ang ipinadala sa kanyang tanggapan.
“So iyon iyong pupuntahan ko. Ako naman, lahat na invitation, basta obligasyon pinupuntahan natin, except lang kung may conflict.”
“Ito namang SONA, talagang kinlear natin iyong schedule para dito, so dahil hindi naman ako imbitado physically na pumunta doon, sa Zoom mag-aattend ako, kasi obligasyon natin ito.”
Sa kabila nito umaasa raw si VP Leni na gaya ng sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, ay maghahatid ng malinaw na ulat si Duterte ukol sa recovery plan ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Gusto rin daw marinig ng bise presidente ang report tungkol sa mga nagawa ng administrasyon mula sa huling SONA ng pangulo.
“Halimbawa iyong growth rate natin, talagang mababa ngayon. Iyong unemployment natin, talagang sobrang taas.”
“Maa-appreciate natin iyong recovery plan, pero ang problema kasi, patuloy pa din iyong pagtaas ng kaso, so gusto nating marinig ano ba iyong plano natin para ma-arrest iyong pagtaas ng kaso.”
Sa mga nakaraang ulat bayan ng pangulo, personal na nagpunta si Robredo sa Kamara para dumalo.
Higit 50 inidibidwal lang ang inimbitahang pumasok sa session hall ng House of Representatives bukas, kabilang na ang 30 mambabatas at iang miyembro ng gabinete.
Ngayong araw, pumalo na sa 80,448 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa dahil sa higit 2,000 bagong kaso ng sakit.
Ani VP Leni, nakakabahala ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, lalo na’t Pilipinas na raw ang may pinakamaraming infected sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Ipinaalala rin nito sa gobyerno ang panibagong projection ng mga eksperto mula sa University of the Philippines na nagsabing posibleng umabot ng 130,000 ang cases ng sakit sa pagtatapos ng Agosto.
“Nakakabahala siya kasi siguradong may ginagawa tayong hindi tama. Kasi kung tama iyong ginagawa natin, hindi sana ganito kataas. Kapag tiningnan natin, iyong mga kapitbahay natin na ibang bansa ay bumabalik na sa normal.”
“Tayo ay sinusubukan natin bumalik sa normal hanggang tumataas iyong kaso, mahihirapan tayong bumalik. So kahit anong gawin ng economic managers na buksan ulit iyong ekonomiya—na dapat naman—hanggang hindi natin nahihinto iyong ganitong pagtaas, mahihirapan tayo kasi iyong tao parating takot.”