Binatikos ni Vice President Leni Robredo ang isinusulong na Anti-Terrorism Act of 2020, na para sa kanya ay hindi kailangan ng bansa sa gitna ng hinaharap na krisis dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
BASAHIN: Statement ni Vice Pres. Leni Robredo tungkol sa isinusulong na Anti-Terrorism Act of 2020. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/pYjBAPtB6T
— Christian Yosores (@chrisyosores) June 3, 2020
Sa isang statement, inisa-isa ni VP Leni ang pangangailangan na idinadaing ng komunidad na naapektuhan nang mga nagdaang lockdown.
“Malinaw sa amin kung ano ang idinadaing ng mga komunidad: Pagkain, ayuda, at mass testing para makapagtrabaho muli sila nang hindi masyadong nangangamba.”
“Malinaw sa amin ang hanap ng mga medical frontliners: PPEs, at mas malinaw na plano para maampat ang pagkalat ng virus at palakasin ang sistemang pangkalusugan.”
“Malinaw sa amin ang hanap ng mga maliliit na negosyo: Pagkakataong maitindig muli ang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan, pautang o pagpapatawad sa mga bayarin tulad ng upa at kuryente, at mass testing din upang ligtas nilang mabuksan ang kanilang mga puwesto.”
Ayon sa bise presidente, wala sa kahit anong problema na nabanggit ang kayang sagutin ng isinusulong na batas, na nagbibigay ng mas malawak na depinisyon sa salitang “terorismo.”
Sa ilalim kasi ng panukalang batas, maaari na rin ituring na “acts of terror” ang mga pahayag, proklamasyon, akda, banners, at iba pang representasyon na nag-uudyok ng pag-atake.
Ilan pa sa kontrobersyal na probisyon ng panukalang batas ang warrantless arrest at 14-araw na pagkakakulong sa mga pinaghihinalaang terorista. Nagpapabuo rin ito ng “Anti-Terrorism Council” na may hiwalay na kapangyarihan sa hudikatura.
“Kailangan kong idiin: Ang COVID-19 ang pinakamatinding krisis na sinapit ng sangkatauhan sa loob ng maraming henerasyon, at walang ibang paraang daigin ito kundi ang ibuhos ang buong lakas ng bawat indibiduwal, bawat grupo, bawat institusyon sa pagtugon. All hands on deck ang kailangan,” ani VP Leni.
Kinuwestyon ng pangalawang pangulo ang hakbang kung magiging epektibo ba ito laban sa terorismo, pati ang layunin ng panukalang batas.
“Maliban sa pagiging wala sa timing, gusto ko ring linawin kung ang batas nga bang ito ang sagot sa terorismo.”
“Ang tanong ko nga: Terorismo ba talaga ang tuon ng Terror Bill? O gusto lang nitong bigyan ng kapangyarihan ang estado para bansagang terorista kung sino man ang kanilang gusto?”
Sa huli hinimok ng bise presidente ang gobyerno na ituon ang atensyon sa kasaluyang estado ng bansa dahil sa COVID-19, na ngangailangan ng agarang solusyon.
Nitong araw nang ipasa ng Kamara ang panukalang batas matapos magkasundo ang 173 na kongresista, kontra sa 31 kapwa mambabatas na tumutol, at 29 na hindi bumoto.