Nasa 101 mayors sa buong bansa ang pinadalhan na ng show cause order ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa non-compliance rating hinggil sa road clearing operations na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naglabas din ng show cause order ang DILG sa 99 barangay chairman sa Maynila dahil sa low compliance rating o hindi pumasa sa isinagawang assessment ng ahensiya hinggil sa nasabing clearing operations.
Ayon kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, tumaas pa ang bilang ng mga local government unit (LGU) na non-compliant sa direktiba ng Pangulo.
Sa unang datos na inilabas ng DILG, nasa 97 LGUs ang non-performing pero sa ngayon ay pumalo na ito sa 101, matapos magsumite ng mga bagong dokumento.
Tiniyak naman ni Malaya na bibigyan pa rin ng due process ang mga alkalde at ang mga barangay chairman.
Limang araw ang binigay na palugit ng DILG sa mga nasabing LGU para ipaliwanag ng mga alkalde at barangay chairmen kung bakit hindi nila nagawa ang ipinag-utos ng pangulo.
Kapag hindi maayos at katanggap-tanggap ang paliwanag ng mga opisyal ang kanilang panig, irerekomenda ng DILG ang kanilang suspension at mahaharap pa sa kasong administratibo.
Ngayong araw, pinirmahan ni DILG Barangay Affairs USec Martin Diño ang show cause order para sa 99 barangays sa Manila.
Sinabi ni Diño, “umaaray” na kasi ang mga residente dahil hindi napapanatili ang ginawang road clearing sa kanilang mga lugar.
Siniguro ni Diño na may masasampulang barangay chaiman hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa buong bansa.