-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tinutukan ng pulisya na ‘rido’ o bangayan ng sariling kaanak ang posibleng anggulo kung bakit binaril-patay ang isang negosyante habang dumalo at lumahok ng sabong sa Barangay Batangan,Valencia City,Bukidnon.

Kinilala ni Valencia City Police Station commander Lt Col Cipriano Bazar ang biktima na si Caliph Tago,42 anyos,may asawa na residente sa Purok 4,North Poblacion,Maramag.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Bazar na galing sa loob ng Pulangi Cockpit Arena ang biktima kasama sina Renante Abrio na isang negosyante rin at Jemnar Yap nang umatake ang apat na armadong kalalakihan at agad nagpapaputok ng kalibre 45 na baril.

Sinabi ni Bazar na tanging si Tago lamang ang target ng hindi kilalang mga salarin dahil nagtamo ito ng limang tama ng bala ang ulo na sanhi nang kamatayan nito pagdating sa pagamutan.

Tinangay rin ng mga tumakas na mga suspek sakay ng mga motorsiklo ang bag ng biktima na umano’y mayroong laman na higit-kumulang P400,000.00.

Na-ikuwento rin umano ng isa sa mga malapit na kaanak ng biktima na mayroon sila nakaalitan na nagmula sa kanilang angkan kaya ito ang tinutukan ng imbestigasyon ng mga otoridad.

Agad naman inilibing ang biktima sang-ayon sa tradisyon ng paniniwalang Islam habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.