Walang dapat ipangamba ang mga motorista na hindi pa rin nakakapagpakabit ng radio frequency identification (RFID) sticker.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Romulo Quimbo, ang chief communications officer ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), nilinaw nito na mananatili pa rin ang sistema ng RFID installation.
Nabatid na hanggang ngayong araw na lamang, November 30, ang pinalawig na deadline ng Department of Transportation sa pagpapakabit ng RFID para sa autosweep ng San Miguel Corporation at easytrip tags ng MPTC.
“Itong RFID system natin is here to stay, even after December 1, magkakabit po tayo ng RFID. Ito na po ang magiging sistema natin kaya po, ah.. nagpapasalamat ako sa pagkakataon dahil po ang RFID po natin magkakabit po tayo, December, December 25, January, February, March,” paliwanag ni Quimbo.
Malinaw na halimbawa aniya rito ang mga bibili pa lamang ng sasakyan na tsaka pa lamang din makakapagpakabit ng RFID sticker.
Gayunman, umapela ang MPTC na paunahin na lamang ‘yaong mga regular na dumadaan sa mga expressway gaya ng mga pumapasada dahil may mga pasahero, gayundin ang mga pumapasok sa trabaho, mga truck at container, dahil parte na ito ng kanilang pang-araw araw na routine.
Habang ang mga mapapadaan lang dahil mamamasyal o magbabakasyon lalo ngayong Christmas season ay sa mismong araw na lamang ng biyahe magpakabit.
“So it’s not a matter of mawawala ‘yung RFID, it will remain, it will be our system moving to the future,” dagdag pa nito.
Ang autosweep tags ay para sa mga toll gate sa Skyway, South Luzon expressway (SLEx), STAR Tollway, Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEx), Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAx), at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX).
Habang ang ang easytrip sticker ay para naman sa mga dadaan sa North Luzon Expressway (NLEx), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Cavite Expressway (CAVITEx), C5 Southlink, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).