-- Advertisements --

Naging matagumpay ang panibagong resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Isinagawa ang rotation and resupply (RoRe) mission noong Mayo 16 katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG). Dito, naghatid ng mga pagkain at supplies ang crew members lulan ng MV Lapu-Lapu sa mga tropang naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.

Ayon sa Philippine Navy, walang naitalang untoward incident kayat ito na ang ikawalong sunod na walang pagharang sa operasyon.

Ayon kay PN spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, namataan ang nasa apat na barko ng China Coast Guard sa lugar subalit hindi nagsagawa ng anumang agresibong aksiyon ang mga ito.

Wala din aniyang Chinese maritime militia vessels na namataan sa bisinidad ng Ayungin shoal.

Ipinunto naman ng opisyal na hindi kailangan ng Pilipinas na humingi ng permiso mula sa anumang dayuhan partikular na sa isa na nanghimasok sa ating exclusive economic zone kayat ipagpapatuloy aniya ang pagsasagawa ng resupply missions.

Inihayag din ni Trininad na pinagtitibay ng matagumpay na resupply mission ang commitment ng militar sa pagbibigay ng patuloy na mga suporta para sa mga tropang Pilipino na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre at paninindigan sa soberaniya at mga karapatan sa soberaniya ng Pilipinas.