Kasalukuyang isinasagawa ang rescue operations sa mahigit 200 hikers na na-trap sa slopes ng pinakamataas na bundok sa buong mundo na Mt. Everest matapos na bumagsak ang tipak ng mga niyebe.
Base sa mga ulat, nasa 350 hikers na ang nailikas ng mga rescuer patungo sa ligtas na lugar.
May ilang tents naman ang natabunan ng mga niyebe habang inililikas ng mga rescuer ang mga grupo ng mga turista mula sa mga bumagsak na niyebe.
Una rito, maraming mga turista ang nakipagsapalaran na mag-trekking sa Tibetan valley patungo sa eastern side ng Mount Everest nitong weekend kasabay ng pagsisimula ng walong araw na national holiday sa China.
Sikat ang naturang lugar sa mga turista bilang hiking spot lalo na pagsapit ng tinatawag na “Golden Week holiday”.
Nangyari naman ang insidente sa gitna ng ilang araw ng masungit na lagay ng panahon sa rehiyon. Sa karatig nito na Nepal, nasa 47 katao na ang nasawi simula noong Biyernes matapos ang mabibigat na pag-ulan na nagdulot ng mga pagguho ng lupa at mga pagbaha.