Nagpakalat na din ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 7,000 kapulisan sa buong bansa ngayong Sabado, Setyembre 27 para sa rescue at relief operations.
Ito ay matapos ma-displace ang libu-libong residente dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm Opong.
Ayon sa pambansang pulisya, nasa 7,349 kapulisan ang nasa ground na nagsasagawa ng search, rescue at retrieval missions kung saan may mahigit 11,000 pa na naka-standby para sa karagdagang suporta.
Sa kasalukuyan, aabot na sa mahigit 6,000 katao ang nasagip ng police teams sa isinagawang mga operasyon.
Sa mga isinagawang relief efforts ng kapulisan, 27 misyon ang isinagawa para sa mga sibilyan kung saan halos 2,000 ang mga benepisyaryo.
Samantala, naapektuhan din ang nasa 35 PNP personal sa MIMAROPA, Western Visayas at Eastern Visayas dahil sa epekto ng bagyo.