-- Advertisements --

Magbibigay ang Canada ng P26 milyong halaga ng humanitarian aid para sa Pilipinas para suportahan ang emergency relief efforts nito kasunod ng mga serye ng lindol at bagyong tumama sa ilang parte ng bansa.

Ayon sa Canadian Embassy sa Maynila, idadaan ang ibibigay nilang pondo sa pamamagitan ng tatlong non-government organizations, kabilang ang World Vision, Philippine Red Cross at Angat Buhay na itinatag ni dating Vice President Leni Robrero.

Sinabi ni Secretary of State (International Development) Randeep Sarai, na nakikiisa ang Canada sa mamamayan ng Pilipinas sa gitna ng kinakaharap na epekto ng kamakailang mga sakuna. Aniya, tinitignan din nila ang karagdagan pang paraan para makatulong sa bansa kung kinakailangan.

Nagpaabot din ng pakikisimpatiya si Canadian Minister of Women and Gender Equality and Secretary of State (Small Business and Tourism) Rechie Valdez para sa mga biktima ng mga kalamidad.

Inialok din ng gobyerno ng Canada ang pagdadala ng relief supplies mula sa kanilang emergency stockpiles na nakapreposisyon sa rehiyon sakaling hilingin.