-- Advertisements --

Inanunsiyo ng pamilya ng yumaong batikang aktres na si Rosa Rosal na bukas ang burol para sa publiko simula ngayong Lunes, Nobiyembre 17 hanggang sa Miyerkules, Nobiyembre 19 sa Heritage Memorial Park sa Taguig.

Ayon sa apo ng pumanaw na aktres at news anchor na si William Thio, isasagawa ang memorial reception mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi ngayong Lunes habang sa Nov. 18 at 19 mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi. Susundan ito ng memorial service kada alas-7:00 ng gabi.

“First of I’d like to thank all of you who sent me personal messages. I apologize for not being able to answer all of them. I’m also sorry that this had taken a little longer than we had expected, as everything happened so fast. The past two days had been surreal But here are the details of my Lola’s wake,” saad ng Thio sa kaniyang FB page.

Matatandaang, pumanaw ang batiking aktres at Philippine Red Cross Governor noong araw ng Sabado, Nobiyembre 15, sa edad na 97 dahil sa septic shock secondary to pneumonia at kidney failure.

Nagsimula ang karera sa showbiz ni Rosa Rosal o Florence Lansang Danon sa totoong buhay bilang isang aktres sa pelikula noong dekada ’40 na nakilala sa kaniyang mga pinagbidahang pelikula tulad ng Anak Dalita, Badjao, Biyaya ng Lupa at iba pa na tumatak at hinangaan ng kaniyang mga tagasuporta. Naitalaga rin siya bilang miyembro ng board of governors ng Philippine Red Cross noong taong 1965 at naging isa sa pioneer ng mass blood-donation campaigns sa Pilipinas.