Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) para sa gaganaping Traslacion bukas na inaasahang dadaluhan ng milyong mga deboto ng Poong Hesus Nazareno.
Ayon kay Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., wala nang kulang at buong buo na ang latag ng seguridad para sa pagdiriwang na ito kung saan sinabi din ng hepe na handa rin silang magpatupad ng kahit anumang adjustment kung nakikita itong kailangan.
Una rito, ipinakalat na ang mga pwersa ng pulisya sa Quirino Grandstand dahil sa posibleng dagsa ng mga deboto dahil ngayong gabi ang inaasahang huling araw ng pagpupugay o pahalik sa Poon.
Habang nakapwesto na rin ang ilan pang pwersa sa bahagi ng Quiapo Church para naman sa nakatakdang misa mayor bukas ng madaling araw bago ang mismong prusisyon.
Maliban dito ay nakakalat rin ang mga pulis na naka-sibilyan at maging ang intelligence units na siya namang nakabantay para pigilan ang mga insidenteng maitatala gaya ng pagnanakaw at iba pang mga uri ng pananamantala.
Samantala, nagpakalat na rin ng mga police assistance desk ang pulisya para umasiste sa mga debotong mangangailangan nito gaya ng senior citizens, persons with disability at iba pang saklaw ng priority citizens.
















