Susubukan ng inter-agency task force na sumisilip sa mga iregularidad sa PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation) na maisumite ang kanilang report kay Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Setyembre 14.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) spokesperson Usec. Mark Perete, binigyan sila ng 30 araw mula nang itinatag ang inter-agency task force para makapagsumite ng report sa pangulo.
Mababatid na ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagtatag sa naturang inter-agency task force upang maimbestigahan ang finances ng PhilHealth pati na rin ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng ahensya.
Binubuo ang task force na ito ng DOJ, Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary, Undersecretary Jesus Melchor Quitain of the Office of the Special Assistant to the President at Presidential Anti-Corruption Commission.
Ayon kay Perete, maayos naman ang koordinasyon sa kanila ng mga witness na kanilang inimbitahan pero may ilang documentary evidence na hindi pa nila natatanggap dahil sa preventive suspension na ipinataw ng Office of the Ombudsman sa ilang opisyal ng PhilHealth.