-- Advertisements --

Ipinagpaliban ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang nakatakdang pagdinig para sa confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na orihinal na itinakda sa Setyembre 23, 2025.

Ang desisyon ay bunsod ng kahilingan mula sa kampo ni Duterte na maantala ang pagdinig dahil sa kanilang pahayag na hindi umano siya “fit to stand trial” o hindi na kayang dumalo sa paglilitis dahil sa kalagayan ng kaniyang kalusugan.

Ayon sa ICC, limitadong postponement ang ipinatupad upang bigyang-daan ang pagresolba sa nasabing kahilingan at iba pang kaugnay na usapin.

Dissenting opinion naman ang inilabas ni Judge María del Socorro Flores Liera, na tutol sa pagpapaliban ng pagdinig.

Matatandaang inaresto si Duterte noong Marso 11, 2025, kaugnay ng mga kasong crimes against humanity, kabilang ang murder, torture, at rape, na umano’y naganap sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Davao City at sa panahon ng kanyang administrasyon bilang Pangulo ng Pilipinas.

Ang layunin ng confirmation of charges hearing ay upang matukoy kung may sapat na ebidensya upang ituloy ang kaso sa trial phase.

Kapag nakumpirma ang mga paratang, ililipat ang kaso sa Trial Chamber para sa pormal na paglilitis.