-- Advertisements --

Nagsagawa ng Picket-protest ang iba’t ibang NGO at labor groups sa SMC Central Headquarters sa San Miguel Avenue, Ortigas Center, Mandaluyong City kanina.

Ito ay bilang tugon ng grupo sa ipatutupad ng San Miguel Corporation na bagong airport fees sa NAIA sa September 14 na aabot sa 1000 porsyenteng increase.

Hinamon din ng mga grupong Partido Lakas ng Masa (PLM), Sanlakas, at Bukluran ng Manggagawang Pilipino si SMC CEO Ramon Ang na wag na nyang pagkakitaan pa ang pagsasaayos ng NAIA, tulad ng ibinida ng bilyonaryo na gagawin nya sa isyu ng baha sa Metrp Manila, kung totoong mahal nya ang bansa at gusto nyang tulungan ang pilipino.

Ayon kay Ka Leody de Guzman, pangulo ng PLM , pangatlo na sa pinakamayamang pilipino si Ang, na kumita mula sa mga Pilipino. 

“Pero kung hindi nya talaga maawat ang sarili sa pagkamal ng tubo, maaari naman kumita ang SMC pero dapat, ipatupad nya muna ang pagsasaayos ng paliparan.

“Kumbaga, serbisyo muna bago tubo,” dagdag pa ni Ka Leody.

Lumalabas kasi aniya, na wala pang inilalabas na puhunan ang SMC sa pagpapaayos ng airport, at mukhang kukunin rin ang pondo sa pagsasaayos ng airport mula sa mga bagong dagdag singil. 

Sinabi pa ni Ka Leody na handa naman magbayad ang mga pasahero ng airport fees kung mas maayos na muna ang mga serbisyo pero ang nangyayari aniya, ang mahigit sa 40 milyon pilipino pasahero ng NAIA ang mag ‘front load’ sa pagpopondo nito.

Kabaliktaran din aniya ito pag-alok ni Ang ng paglutas sa problema sa pagbaha sa Metro Manila.

Naging maiksi naman ang paglalahad ng mga manggagawa ng kanilang saloobin sa nasabing rally matapos silang itaboy ng mga pulis at ng mga guwardiya ng SMC.