Mas epektibo ang mga reporma sa transparency sa pananalapi, lalo na ang pagluwag sa Bank Secrecy Law, para labanan ang korapsyon kaysa sa pag-alis ng bisa ng mga lumang ₱1,000 at ₱500 na papel de banko ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Paliwanag ng BSP, magastos at hindi garantisadong solusyon ang demonetization.
Mas makakatulong ang mga reporma sa transparency, partikular ang pagbabago sa Bank Secrecy Law (Republic Act No. 1405), na isa sa pinakamahigpit sa mundo.
Sinabi nina BSP Assistant Governor Maria Margarita Debuque-Gonzales, Deputy Governor Mamerto Tangonan, at Eloisa Glindro (direktor ng CPID) na ang pagluwag sa bank secrecy ay magpapadali sa pagsubaybay ng mga imbestigador sa mga ilegal na pondo at pagkumpara ng mga deposito sa deklarasyon ng mga ari-arian habang makakatulong ito sa pagbuo ng kaso.
Isa sa mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para sa ika-20 Kongreso ay ang amyendahan ang Secrecy of Bank Deposits Law.
Sa kasalukuyang batas, hindi maaaring ibunyag ng mga opisyal ng bangko ang impormasyon tungkol sa mga deposito dahil ito ay “confidential.”
Layunin ng mga amyenda na bigyan ng awtoridad ang BSP na siyasatin ang mga bank account, kabilang ang mga foreign currency deposit sa mga lokal na bangko at offshore accounts.













