Nanawagan si Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos ng patas at malayang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa dalawang kasong kriminal at administratibo laban sa mga miyembro ng pamilya Villar kaugnay ng mga alegasyon na kinasasangkutan ng PrimeWater Infrastructure Corporation.
Sa pahayag ni Santos, sinabi niyang seryoso ang mga reklamo at dapat itong masusing imbestigahan upang matukoy ang katotohanan at kung may sapat na batayan para ituloy ang mga kaso.
Iginiit din ng mambabatas na dapat mabigyan ng due process ang lahat ng respondent at pagkakataong sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.
Ayon kay Santos, mahalagang masuri ang mga isyu dahil pangunahing pangangailangan ng publiko ang tubig at maaaring may kinalaman ang mga alegasyon sa mga transaksiyon ng gobyerno, pagsunod sa regulasyon, pondo ng bayan at paghahatid ng serbisyo sa tubig.
Binigyang-diin niya na dapat manaig ang ebidensiya, katotohanan at batas sa pagresolba ng mga reklamo, at hindi ang pulitika o pansariling interes.
“No one should be above the law, but no one should be prejudged either. Let the investigation determine the truth, and let the law take its proper course,” ayon kay Rep. Santos.
Hinikayat ng mambabatas ang publiko na hayaang isagawa ng Ombudsman ang imbestigasyon at ipatupad ang nararapat na proseso ng batas.













