Inaasahan ang pagdating ng pamilya Villar at ilan pang respondents sa Department of Justice ngayong araw ukol sa reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission laban sa kanila.
Ngayong Lunes, ika-20 ng Abril, nakatakdang isagawa ng panel of prosecutors ang preliminary investigation nito sa reklamong kinakaharap ng mga Villar.
Ito’y matapos pagbigyan ng prosekusyon ang hiling ng mga respondents na magkaroon ng karagdagang palugit upang makapaghain ng ‘kontra-salaysay’.
Maaalalang inihain ng SEC ang reklamong market manipulation, insider trading at misleading disclosures kontra sa pamilya Villar at kumpanya.
Partikular na inirereklamo ng naturang komisyon ang kumpanyang Villar Land Holdings Corporation, sina dating senador Manuel Villar Jr, Cynthia Villar, Cynthia Javarez, Sen. Camille Villar, Sen. Mark Villar at iba pa.
Inaasahan ang kanilang pagdating sa Department of Justice matapos atasan ng prosekusyon na personal panumpaan ang kani-kanilang mga kontra-salaysay.
Hiniling kasi ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong sa mga respondents na dito na lamang sa kagawaran manumpa o sa harap ng pagdinig ng prosekusyon.
Kung babalikan, sa isang panayam ay binigyang diin ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na dapat tuparin o sundin ng mga ‘respondents’ ang anumang direktibang nais ipatupad ng piskal may hawak sa reklamo.
Sakali man kasing sa iba nila panumpaan ang mga kontra-salaysay, posible itong maituring bilang ‘non submission’ at ipaulit ang panunumpa sa harap na mismo ng prosekusyon.
Isasagawa ng alas-dos ng hapon ang naturang preliminary investigation sa Department of Justice kaugnay sa nabanggit na mga rerklamong kinakaharap ng pamilya Villar.
















