-- Advertisements --

Muling ipinagpatuloy ang pagdinig sa mga reklamong kinakaharap ng pamilya Villar at iba pa sa Department of Justice ngayong araw, ika-8 ng Hunyo. 

Dito nagkaroon ng paglilinaw at mabusising mga pagtatanong ng prosekusyon sa audit firm na Punongbayan & Araullo sa ginawa nilang pag-aaral sa halaga ng ilang mga ari-arian ng Villar group. 

Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, hindi umano aniya inaasahan ang sagot ng naturang audit firm hinggil sa ibinahaging ‘draft financial statements’ sa kumpanya ng mga Villar. 

Sa naganap na ‘clarificatory hearing’ nilinaw ng Punongbayan & Aurollo audit firm na ibinigay nila sa Villar group ang ‘draft financial statements’ dahil sa hiniling ng kumpanya. 

Ito’y kahit ‘on-going’ pa ang kanilang pagsusuri o proseso ng ‘auditing’ noong 2024 sa mga investment properties.

Depensa naman nila’y ipinasa ang naturang ‘draft financial statements’ para makita ang posibleng epekto o ‘impact’ sa ‘costing’ ng ari-arian.

“I did not expect an answer from Punongbayan kaya sila nagbigay ng draft consolidated FS (Financial Statements) for 2024 despite the fact na ongoing pa pala yung audit nila at the time hindi pa tapos,’’ ani Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong 

“Binigay daw nila yon, just to show to the company or submit to the company upon the request of the company kung anong impact sa paggamit ng fair-value method of valuating the investment properties as against the original cost method na ginamit bago bilhin yung mga 400 hectares ata na lupa iyon,’’ dagdag pa ni Prosecutor Ong. 

Subalit tumanggi nang sabihin ni Prosecutor Peter Ong kung maituturing nagkaroon ng ‘iregularidad’ sapagkat aniya’y hindi pa tapos ang kaso. 

Gayunpaman naging malinaw sa nangyaring ‘clarificatory hearing’ ang rason o dahilan ng audit firm kung bakit ibinahagi ang naturang ‘financial statements’ sa Villar group. 

Lumitaw rin na hindi umano otorisado o walang pahintulot mula sa audit firm nang ilabas ng kumpanya ang draft financial statements sa mga ari-arian. 

“Ang natanong ko lang did you (Punongbayan and Aurollo) authorized directly or indirectly, did you consent na ilabas yan sa publiko? Wala daw. Napag-alaman nalang nila noong lumabas na,’’ ani Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong. 

Sa darating na Hulyo 1, 2026 sa ganap na alas-dos ng hapon itinakda ang susunod at posibleng huling pagdinig ng mga reklamo para makapagsumite ng depensa o sagot ang kampo ng mga Villar sa DOJ. 

Nahaharap sina former Senators Manny at Cynthia Villar at Senators Mark at Camille Villar, Villar Land Holdings and Corporation at iba pa sa reklamong market manipulation, insider trading, at misleading disclosures na isinampa ng Securities and Exchange Commission.