-- Advertisements --
Malaya Isko

Igagalang daw at re-reviewhin ng Inter Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases kung sakaling mag-desisyon ang Metro Manila mayors na palawigin pa ng 15 araw ang enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, spokesperson ng IATF, ano man ang magiging rekomendasyon ng Metro mayors ay susuportahan nila lalo na’t ang naturang mga alkalde ay katuwang naman nila sa pagpapatupad ng ECQ.

Pero ayon kay Malaya, ang pagpapalawig sa ECQ o paglalagay sa general community quarantine sa Manila ay naka-depende na rin sa datos na makakalap ng IATF sa pamamagitan ng kanilang technical working group.

Aminado naman si Malaya na sa ngayon ay patuloy pa nilang pinag-aaralan ang sitwasyon at kung sakali ay ilalabas nila ang final decision sa May 13 o 14 kapag ilalagay na sa GCQ ang Metro Manila o mananatili pa rin sa ECQ.

Ngayong araw ay magkakaroon ng virtual meeting ang metro mayor na pinamumunuan ni Metro Manila Council (MMC) chairman Parañaque City Mayor Edwin Olivarez para i-iformalize ang kanilang rekomendasyon.