KORONADAL CITY – Mananatili umano ang rekomendasyon ng PNP na hindi na palawigin pa ang martial law sa Mindanao sa December 31 sa kabila ng mga naganap na serye ng pagsabog sa Central Mindanao.
Ayon kay Police Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng PNP-12, nananatili naman kasing payapa sa rehiyon sa kabila ng mga naitalang pagsabog.
Patuloy naman aniya ang isinasagawang imbestigasyon ng kanilang hanay para alamin ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pag-atake maliban pa sa pagturo sa BIFF.
Sa ngayon, nagpapatuloy na ang mahigpit na pagbabantay ng mga police unit sa apektadong lugar ng pagsabog at nananatiling alerto.
Samantala, nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation o NBI sa naganap na serye ng pagsabog.
Sinimulan na umano ng NBI ang ‘preliminary work’ sa insidente.
Matatandaan na umabot sa 21 ang nasugatan sa tatlong sunod-sunod na pagsabog sa Cotabato City, Libungan, North Cotabato at South Upi, Maguindanao.