Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na hindi kabilang ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na apektado ng diumano’y suspensyon ng US visa processing.
Kasunod ito ng mga bali-balitang ipahihinto ng US State Department ang visa processing para 75 bansa simula Enero 21, 2026. Kabilang sa mga tatamaang bansa ang Somalia, Russia, Iran, Afghanistan, Brazil, Nigeria, at Thailand.
BAKIT NGA BA HINDI KASALI ANG PILIPINAS?
Ang Pilipinas ang pinakamatandang treaty ally ng Estados Unidos sa Asya kaya’t ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng Amerika sa Pilipinas.
Sinegundahan ito ni outgoing US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, kung saan sa sa kanyang farewell reception sa Maynila nitong Miyerkules ng gabi sinabi niyang matibay ang relasyon ng US at Pilipinas at binigyang pagkilala ang kooperasyon ng dalawang bansa sa panahon ng mga natural calamity, at sinabing nakikita ng Washington ang Pilipinas bilang “a place to trade, invest, innovate, and grow.”
Ngunit batay sa mga ulat, initusan ang mga embahada ng US sa nasabing mga bansa na tanggihan na ang mga nag-aapply ng visa batay sa umiiral na batas nito habang nire-review ng US State Department ang kanilang proseso.
Maalalang ang kautusan ay una nang ipinabatid ni US President Donald Trump noong Nobyembre 2025, para suriin ang asylum cases at green cards ng mga migrante matapos ang insidente nang pagpatay ng isang Afghan national sa National Guard member sa Washington, D.C.
Matapos bumalik ni Trump sa White House, lalo niyang pinalakas ang pagpapatupad ng immigration law sa US at iniutos ang mass deportation ng mga undocumented migrants, na tumatak naman sa kanyang pangunahing campaign promises.
















