Nauwi sa tensiyon ang ilang mga eksena sa masaya sanang sashing ceremony ng Miss Universe 2025 sa Thailand nitong Martes, Nobiyembre 4
Ito ay matapos taasan ng boses ng head ng host country organizing committee na si Nawat Itsaragrisil ang kandidata ng Mexico na si Fatima Bosch dahilan ng kanyang pag-walkout na sinundan ng ilang kandidata mula Latin America, Asia, at Africa.
Ayon sa ulat, pinagsabihan umano si Miss Mexico matapos tanggihan ang sponsor photo shoot at pumayag lamang sa mga aktibidad ng Telemundo. Nang ipaliwanag niya ang kaniyang panig, pinagpili siya ni Nawat na manatili o umalis, kaya nag-walkout ito.
Sumuporta naman sa kanya si reigning Miss Universe Victoria Theilvig, na sumunod ding umalis bilang suporta sa Mexican beauty queen.
Makikita rin sa video na humingi ng tulong si Nawat sa security ngunit hindi napigilan ang mga kandidatang magsilabasan.
Sa huli, naayos ng Miss Universe Thailand at MUO ang sigalot, at natuloy din ang sashing ceremony nang wala si Nawat.
Ang insidente ay naganap sa gitna ng alitan sa pagitan ni MUO President Raul Rocha at Nawat, na may hawak ng Miss Universe Thailand franchise at founder ng Miss Grand International.
Nangyari din ang insidente ilang linggo na lamang bago ang 74th Miss Universe coronation night sa Nobiyembre 21 sa Impact Challenger Hall, Nonthaburi, Thailand.















