-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakabuo na ng comprehensive rehabilitation plan ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng phreatic eruption ng Taal Volcano.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Agriculture Secretary William Dar, tiniyak nitong mabibigyan ng tulong ang mga magsasaka at mangingisda upang makabangon muli pagkatapos ng nasabing kalamidad.

Inatasan na rin ni Dar si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Chief Eduardo Gongona na magsagawa ng water supply test para alamin ang mga sa sulfur level at ng iba pang toxic materials sa mga apektadong lugar.

Pinagagawan din nito ang BFAR ng reports para sa pre- at post-eruption operations at livelihood assistance na maaring ibigay sa mga apektadong mangingisda.

Naghahanap na rin ang DA, ayon kay Dar, ng mga posibleng mapagkukunan ng tilapia at tawilis para suplayan ang Metro Manila at iba pang lugar.

Samantala, nagsasagawa na rin aniya ang Bureau of Soils and Water Management ng chemical analysis sa abo at lupa sa mga lugar na apektado ng aktibidad ng Bulkang Taal, habang ang ang Bureau of Plant Industry naman ang nagsasagawa ng assessment sa high value crop development program.