-- Advertisements --

LAOAG CITY – Sasampahan ng kasong “Abortion practiced by a physician or midwife and dispensing of abortives” laban sa isang registered nurse na nahuli sa entrapment operation ng mga kasapi ng PNP Laoag sa Brgy. 23 San Matias nitong lungsod.

Ayon kay Police Capt. Christian Felix, ng Operations Traffic Officer, isinagawa ang operasyon dahil patuloy ang mga natatanggap nilang impormasyon hinggil sa aktibidad ng abortionista na 52-anyos, na residente ng Brgy. 16 Quiling Sur, Batac City at nagtatrabaho sa isang pribadong klinika.

Sinabi ni Felix, matagumpay ang entrapment sa isang hotel sa Brgy. 23 nitong lungsod dahil sa asset na nagpanggap na magpapalaglag ng bata sa sinapupunan.

Nakumpiska ng mga otoridad mula sa abortionista ang isang set ng dextrose, siyam a piraso ng cytotec tablets, apat a piraso ng oxytoxin ampule, dalawang piraso ng Tourniquet, white plaster, pares ng gloves, cellphone, PRC-ID, P10,000 pesos na ginamit sa transaksiyon at iba pang gamit sa pagpapalaglag.

Kinumpirma din ni Felix na may unang kaso ang nurse dahil din sa abortion noong taong 2016 ngunit ito ay nadismiss.