-- Advertisements --

Pinagtibay na ng Committee of the Whole ang RBH No.7 na nagsusulong sa pag amyenda sa restrictive economic provision ng 1987 Constitution, matapos bumuto ang mayoria ng mga mambabatas.

Limang kongresista ang bumuto ng hindi pabor, ito ay sina ACTS Teachers Partylist Rep. France Castro, Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, Gabriela partylist Arlene Brosas, Rep. Edcel Lagman at Rep. Gabriel Bordado.

Sa susunod na linggo iakyat na ng komite sa plenaryo ang kanilang report.

Target kasi ng Committee of the Whole ng Kamara na mapagtibay sa Miyerkules sa susunod na linggo ang Resolution of Both Houses no. 7.

Ito ang inihayag ni Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II, na siyang tumatayong floor leader ng Committee of the Whole ng Kamara na tumatalakay sa RBH no. 7.

Ayon kay Gonzales, naka anim na araw na ang Committee of the Whole sa pagdinig sa economic Cha-Cha.

Aniya, naging mabusisi ang pagdinig kung saan binigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang ahensya at sektor na ihayag ang kanilang posisyon at testimonya.

Ang RBH No. 6 at RBH No.7 ay naglalayong amyendahan ang ilang economic provision sa Saligan Batas partikular ang Articles XII, XIV at XVI.

Ang panukala ng Kamara at Senado ay pagbibigay ng legislative franchises to and ownership (60-40) sa public utilities, ownership of basic educational facilities(60-40) at ownership ng advertising firms (70-30).

Ang iminimungkahing principal amendments ang insertion ng phrase, “unless otherwise provided by law” na magbibigay ng kapangyarihan sa Kongreso na alisin o iluwag ang kasalukuyang mga paghihigpit sa ekonomiya sa batas ng bansa, at ang pagdaragdag ng qualifier na “basic” sa Articles XlV.

Isinasaad din ng RBH No. 7 at RBH No. 6 ang probisyon ng Konstitusyon na maaaring magmungkahi ang Kongreso ng mga susog “sa boto ng tatlong-ikaapat na bahagi ng lahat ng miyembro nito.”

Matatandaan na inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na katulad ang RBH no. 7 ng RBH no. 6 ng Senado, nagtutulak na amyendahan ang Articles 12, 14, at 16 ng 1987 Constitution.

Ayon kay Romualdez, tanging economic provisions ang puntirya ng Cha-Cha na ito, at hindi gagalawin ang anumang political provisions.