Binago umano ng China Coast Guard (CCG) ang kanilang radio challenge script na isinalin sa Ingles laban sa barko ng Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela na nakapagtatakang sa loob lang ng 24 na oras binago ng CCG ang kanilang radio challenge nitong Martes, Agosto 5.
Sa bagong mensahe, nakatuon na lamang ito sa pagsasagawa ng law enforcement patrol sa mga karagatang saklaw umano ng hurisdiksyon ng People’s Republic of China.
Hinikayat din nila ang PCG na huwag makialam at panatilihin ang ligtas na distansya mula sa CCG-5303.
Palaisipan naman ngayon kay Comm. Tarriela kung bakit inalis ang naunang pahayag ng CCG tungkol sa kanilang “indisputable sovereignty.”
Matatandaan, nauna ng inakusahan ng CCG ang barko ng PCG na pumasok umano sa karagatang inaangkin ng China, at iginiit nilang mayroon silang indisputable sovereignty sa lugar, na nasa layong 39 nautical miles lamang mula sa baybayin ng Pangasinan.
Malayo na ito sa China na nasa humigit-kumulang 600 nautical miles na ang distansiya.
Lagi din aniyang sinasabi ng China na ang kanilang posisyon sa naturang karagatan ay alinsunod sa pandaigdigang batas at sa United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), bagay na hindi nabanggit sa huling radio challenge.
Una na ngang idineploy ng PCG ang barko nitong BRP Teresa Magbanua noong Lunes para magsagawa ng maritime law enforcement patrols bilang tugon sa presensiya ng CCG 5303 sa baybaying sakop ng PH.