Nagpaliwanag ang pamunuan ng Quezon City Health Department (QCHD) kaugnay sa “leaked slide” na nagpapakitang nasa “yellow status” ang siyudad sa Covid-19.
Kinumpirma ni Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit Chief, Dr. Rolly Cruz, na totoong sa kanila ang kumalat na kopya ng COVID report slide ng lungsod.
Subalit ayon kay Dr. Cruz, ito ay paghahanda sa mas pinaigting na monitoring ng COVID cases.
Sa isang zoom conference, iginiit ng Doktor na ang nasabing slide ay gagamiting gabay ng kanilang tanggapan para sa paghahanda ng mga kinauukulan at hindi para magdulot ng pangamba sa taumbayan.
Ayon sa Doktor, tatlo ang kulay ng COVID Warning System ng Quezon City white, yellow at red.
Mayroon itong apat na indicators—-ang Daily Attack Rate, Positivity Rate, Moving Average Rate at Reproduction Rate sa nakalipas na pitong araw.
Sa ilalim ng White Status ang kaso ng COVID-19 ay below average at stable.
Sa Yellow Status, 3 sa 4 na indicators ang tumaas at may posibilidad ng surge sa susunod na 14 na araw.
Dagdag pa ni Dr. Cruz, sa “leaked slide” ng QC-CESU, makikitang nasa Yellow Status ito dahil sa June 9, 2022 report, umakyat sa 26 ang daily average cases sa lungsod.
Mas mataas ito ng 111.76 porsiyento sa naitala noong mga nakalipas na linggo na naglalaro lamang sa 11-12 cases.
Aniya, nasa 3.10 porsiyento ang kanilang average testing positivity rate, pasok ito sa 3%-5% bracket sa ilalim ng Yellow Status.
Nasa 3.4 naman ang Forecasted Reproduction rate sa lugar na pasok rin sa 1-4 bracket sa ilalim ng Yellow Status.
Paliwanag pa ng Doktor kung tumaas ang bilang ng 4 warning indicators ay isasailalim na ang siyudad sa “red status.”
Sa ngayon ang Quezon City ay nananatili sa Alert level 1.
Dahil sa namonitor na pagtaas ng daily average cases, mas paiigtingin ng lungsod ang COVID-19 vaccination drive.
Paalala ng CESU sa mga residente, patuloy na magsuot ng face mask at maging ang mga bata ay pabakunahan ng Covid-19 vaccine.