-- Advertisements --

Inanunsyo ni Russian President Vladimir Putin nitong Lunes ang tatlong araw na ceasefire laban sa Ukraine mula Mayo 8 hanggang Mayo 10 upang ipagdiwang ang ika-80 anibersaryo ng pagkapanalo ng Soviet Union at mga kaalyado nito sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang naturang pahayag ay matapos punahin ni US President Donald Trump ang isang matinding pag-atake ng Russia sa Kyiv noong nakaraang linggo, at ipahayag ang pangamba na binabalewala siya ni Putin.

Ayon sa Kremlin, suspendido ang lahat ng paglusob nito sa loob ng tatlong araw at inaasahang susundan ito ng Ukraine. Gayunpaman, binigyang-diin nila na kung may mga paglabag, magbibigay ang Russia ng angkop na tugon.

Samantala wala pang reaksyon ang Ukraine ukol sa deklarasyon ng ceasefire. Ito na ang ikalawang pag anunsyo ng Russia sa tigil putukan matapos lamang na ipag-utos nito ang 30-oras na ceasefire noong Mahal na Araw kung saan parehong inakusahan ng magkabilang panig na nilabag ang kasunduan.