-- Advertisements --

Nagbabala si Russian President Vladimir Putin na sasakupin nila ang Donbas Region kung hindi ito lilisanin ng mga sundalo ng Ukraine.

Ito ay kasabay ng pagtutol ng Russian President sa anumang kasunduan kung paano wawaksan ang giyera sa Ukraine.

Sa isang panayam sa pagbisita niya sa India, sinabi ni Putin na kanilang papalayain ang naturang mga teritoryo nang pwersahan o aalis ang mga tropang Ukrainians sa naturang mga teritoryo.

Sa ngayon, kontrolado na ng Russia ang nasa 85% ng Donbas Region.

Nauna naman nang nanindigan si Ukraine President Volodymyr Zelensky na wala silang isusukong teritoryo sa Russia.

Samantala, inaasahang isusulong ni Putin ang pagbebenta ng missile systems at fighter jets, kasabay ng kaniyang pakikipagpulong kasama si Indian Prime Minister Narendra Modi.

Ang pagbisitang ito ni Putin sa India ang unang pagkakataon simula nang ilunsad ang full-scale invasion sa Ukraine noong 2022.

Nataon din ang pagbiyahe ni Putin sa India sa paglabas ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya dahil sa war crimes sa Ukraine.