Kinumpirma nina US President Trump at Russian President Vladimir Putin na hindi sila dadalo sa Group of 20 (G20) leaders’ summit na gaganapin sa South Africa.
Itataon din sa G20 summit ang pagpupulong ng mga kaalyado ng Ukraine upang pag-igtingin ang panukalang peace plan mula sa Estados Unidos na naglalayong tapusin ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon sa Presidente ng Ukraine na si Volodymyr Zelensky, hinaharap umano ng Ukraine ang isa sa mga pinakamahirap na sitwasyon sa kasaysayan.
Binigyan naman ni Trump ang Ukraine ng deadline hanggang Huwebes upang magdesisyon kung tatanggapin ang US peace plan na naglalaman ng pagbawas sa kanilang hukbo, pangakong hindi pagsali sa NATO, at pagsuko ng ilang teritoryo na dati nang tinanggihan ng Kyiv.
Ang pagliban ni Trump sa G20 summit ay inaasahang magiging sentro ng diskusyon at nagbabanta itong sumapaw sa adyenda ng summit at pahinain ang posisyon ng South Africa.
Samantala, hindi rin dadalo si Russian President Vladimir Putin sa G20 summit dahil siya ay saklaw ng isang international arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y war crimes sa Ukraine.
Bilang signatory ng ICC, obligado ang South Africa na arestuhin si Putin kung sakaling tumapak siya sa bansa. (Betha Servito)
















