Pinangunahan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan ang inspeksyon sa Tripa De Gallina pumping station sa Pasay City bilang bahagi ng mas pinaigting na hakbang ng gobyerno laban sa pagbaha sa Metro Manila.
Dumalo sa aktibidad sina Transportation Secretary Vince Dizon, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda, MMDA Chairman Atty. Romando Artes, at Pasay City Mayor Emi Calixto.
Kasabay ng pagbisita sa area, inilunsad ang mga pangunahing bahagi ng Flood Control Project (FCP), na layong palakasin ang kapasidad ng mga pumping station at drainage systems sa mga flood-prone areas.
Isa rin sa mga tampok ng aktibidad ang ceremonial signing ng Memorandum of Understanding para sa Digital Information for Monitoring and Evaluation (DIME), isang inisyatibong magpapakilala ng digital tools para sa real-time monitoring ng flood control infrastructure.
Ang Tripa De Gallina pumping station ay isa sa mga pangunahing pasilidad sa Pasay na tumutugon sa mga pagbaha, lalo na tuwing tag-ulan.
Sa mga nakaraang taon, naging hamon sa Metro Manila ang mabilis na pagtaas ng tubig dulot ng malalakas na ulan, urban congestion, at kakulangan sa drainage maintenance.
Sa pamamagitan ng FCP at DIME, layon ng gobyerno na mapabuti ang disaster preparedness, mapabilis ang response time, at matiyak ang transparency sa implementasyon ng flood mitigation measures.
Layunin ng proyekto na gamitin ang digital technology para sa mas epektibong monitoring ng pumping stations, palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya sa pagtugon sa mga emergency at magbigay ng data-driven evaluation para sa mas mahusay na pamamahala ng pondo at proyekto.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng administrasyon para sa climate resilience at disaster risk reduction, na may layuning protektahan ang mga komunidad sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na madalas tamaan ng pagbaha.