-- Advertisements --

Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maraming pumping stations ang hindi gumagana mula nang maitayo ito at ilan pa nga ang nagiging sanhi ng pagbaha dahil sagabal sa tamang daloy ng tubig.

Binigyang-diin ng Pangulo ang malawakang rehabilitasyon at pag-aayos ng mga ito upang mapahusay ang operasyon.

Sa paglulunsad ng Oplan Kontra Baha sa Parañaque City, inihayag ng Pangulo ang malaking papel ng pribadong sektor sa proyekto, dahil hindi kakayanin ng mga local government units (LGUs) na mag-isa lamang.

Kailangan aniya ang kooperasyon ng lahat upang maging matagumpay ang programa.

Nabatid na target ng administrasyon na bawasan ng hanggang 60 porsiyento ang pagbaha kapag naipatupad nang tuloy-tuloy ang Oplan Kontra Baha at naayos ang mga pumping stations.

Idinagdag pa ni Pangulong Marcos na hindi lang sa Maynila isasagawa ang proyekto kundi pati sa Cebu, Bacolod, Ilocos, Pangasinan, Davao, at iba pang urbanized cities sa bansa.