-- Advertisements --

Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P997.71 milyon para sa pagpapalakas ng programang “Doktor Para sa Bayan” sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program.

Mula sa halagang ito, P909.99 milyon ang nakalaan sa Medical Scholarship and Return Service (MSRS) Program ng CHED, habang P87.71 milyon naman ang para sa Pre-Service Scholarship Program (PSSP) ng Department of Health.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang kalusugan at edukasyon ng kabataan ay pinakamahalagang puhunan para sa kinabukasan ng bansa.

Alinsunod sa Republic Act 11509 o Doctors for the People Act, layon ng programa na dagdagan ang mga doktor sa mga pampublikong ospital at sa mga lugar na kulang sa serbisyong medikal, sa pamamagitan ng libreng pag-aaral at tulong pinansyal kapalit ng serbisyo sa mga komunidad.

Sa ilalim naman ng Pre-Service Scholarship Program, susuportahan ng gobyerno ang 245 medical scholars, 122 medical technology scholars, at 104 pharmacy scholars.