BIEN UNIDO, BOHOL – Itinanggi ng pulisya na sangkot ang mga tauhan nito sa nangyaring banggaan ng dalawang pumpboat nitong Biyernes, Mayo 2, na kumitil sa buhay ng dalawang mangingisda sa Isla Malingin, Bien Unido.
Kinilala ang mga biktima na sina Rene Reyes Awas at Bj Manayon na parehong residente ng nasabing bayan.
Naisugod pa sa pagamutan si Awas ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa natamong sugat sa katawan habang missing naman ng ilang oras si Manayon at wala ng buhay nang ito’y natagpuang palutang-lutang.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Jotham Guminigin, Officer-in-charge ng Bien Unido Municipal Police station, 100% na tiniyak nito sa publiko na walang isinagawang seaborne patrol ang kanilang mga tauhan nitong Biyernes nung panahon ng insidente at maging kahapon.
Ginawa nito ang paglilinaw kasunod na rin ng mga ipinapakalat at komento ng mga netizens na mga tauhan ng pulisya na nanghuhuli ang sangkot sa insidente.
Aniya, wala silang mga mobility asset pagdating sa seaborne patrolling.
Hindi rin nito maberipika ang katotohanan kung gumagamit ng ilegal na pangingisda ang mga biktima.
Hinikayat naman nito ang mga nakakaalam sa insidente Lalo na makigpag-ugnayan sa kanilang tanggapan para makatulong sa imbestigasyon.
“With regards to the persons who took part in taking the video of this incident, we encourage them to help them with our investigation because they were the ones who were there ahead of us,” saad ni Guminigin.
Nanawagan din ito sa publiko na iwasang magpakalat ng hindi verified na mga impormasyon Lalo na laban sa kanilang hanay at muling iginiit na wala silang kinalaman sa naturang insidente.
“With respect also to the persons who have posted videos and pictures and comments involving the PNP, if I could just discouraged them not to release or post unverified information because we denied that there is an involvement of the Philippine National Police,” idinagdag nito.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring insidente at inaalam ang isang bangka na nakabangga at kung sinu-sino ang mga nakasakay nito.
“Rest assured, PNP in Bien Unido is doing it’s best to solve this incident,” pagtitiyak pa ng opisyal ng pulisya.