LAOAG CITY – Kinumpirma ni Police Captain Chris Anthony Sorsano, chief of police ng PNP-Solsona na sinaktan ng isang pulis ang isang menor de edad.

Una rito, napagkamalang itinakbo ng 15-anyos na bata ang motorsiklo ngunit nang malaman na hindi sa kanyang tiyuhin ito ay agad niyang ibinalik.

Nang ibabalik na sana sa pinagkuhanang junkshop ay naroon na si Police Corporal Vincent Edra at ang may-ari ng motorsiklo na kanyang nakuha at dito na sinaktan ng pulis ang bata gamit ang kanyang sombrero.

Ayon kay Sorsano, nang pumunta ang bata at ina nitong si Mercy Espiritu sa himpilan ng pulisya sa nasabing bayan ay pinag-usapan ng dalawang kampo isyu kasama na ang imbestigador.

Kinontra nito ang alegasyon na nakialam siya sa naging pag-uusap ng mga ito at sinabing humingi ng tawad si Edra at pinatawad naman ito ng mag-ina.

Sinabi nito na noong malaman ang nangyari ay ipinatawag niya ang kanyang mga tauhan at dito pinagalitan at pinagsabihan niya ang mga ito.

Dagdag nito, kung mauulit pa ang pangyayari ay ito na mismo ang gagawa ng hakbang para makasuhan ang sangkot na pulis.