Kinumpirma ni Brooklyn Center Mayor Mike Elliott na nagbigay na ng resignation letter ang pulis na nakabaril at nakapatay sa Black-American na si Daunte Wright sa Minneapolis.
Ito ay sa kabila nang naging pahayag ng hepe ng pulisya sa nasabing lugar na maituturing umano na aksidente lang ang nangyari.
Subalit una nang sinabi ng Brooklyn mayor na nais niyang sibakin sa pwesto ni Officer Kim Potter.
Ayon dito, kasalukuyan silang gumagawa ng internal process upang tiyakin na mapapanagot si Potter sa kaniyang ginawa.
Base sa naging paliwanag ng mga otoridad, nagkamali raw si Potter sa paggamit ng kaniyang baril dahil dapat ay taser ang gagamitin nito para hindi makatakas si Wright.
Ang pagpatay kay Wright ay ang ikatlong high-profile death ng isang Black-American sa gitna ng police encounter na Minneapolis area sa nakalipas na limang taon.
Nagbigay naman ng pahayag ang ama ng biktima na si Aubrey Wright, aniya hindi raw katanggap-tanggap ang naging paliwanag ng chief of police sa nangyari sa kaniyang anak.
Hindi naman daw hahayaan ng kanilang pamilya na hindi panagutin ang pulis na pumatay sa kanilang pinakamamahal na anak.