-- Advertisements --

Pinatawan na ng ‘perpetual disqualification from public service’ si Patrolman Francis Steve Fontillas, ang pulis na bumatikos sa naging pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.

Naglabas ng desisyon ang National Police Commission (Napolcom) matapos ang serye ng imbestigasyon at deliberasyon at tuluyang dinismis ang bagitong pulis dahil sa iba’t-ibang kadahilanan. Kinabibilangan ito ng grave misconduct, conduct unbecoming of a police officer, at disloyalty to the government.

Sa isinagawang En Banc Deliberations, naging unanimous ang boto ng mga NAPOLCOM officials laban kay Fotillas.

Giit ni Napolcom vice chairperson at executive officer Rafael Vicente Calinisan, ang naunang pag-resign ni Fotillas ay hindi nagpapawalang-sala sa kaniya sa administrative at criminal cases na kaniyang kinakaharap habang siya pa ay miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Maalalang nag-resign ang kontrobersal na pulis, ilang linggo matapos na hayagang batikusin sina Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at maging ang pambansang pulisya na kaniyang kinauugnayan, dahil sa pag-aresto sa dating pangulo.

Kinalaunan, binatikos din niya sina PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil, CIDG director, Maj. Gen. Nicolas Torre III, at PNP spokesperson, Brig. Gen. Jean Fajardo.

Umaasa si Calinisan na magiging warning ito sa mga pulis. Giit ng NAPOLCOM chief, istriktong ipapatupad ang ‘no politics’ policy sa unipormadong hanay.