-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Naaresto na ng mga pulis ang 21-anyos na puganteng may kasong robbery with rape sa ikinasang manhunt operation sa Brgy. Agcawilan, Lezo, Aklan.

Ayon kay P/Capt. Donie Magbanua, OIC chief of police ng Lezo Municipal Police Station, tumagal ng halos apat na oras ang nangyaring habulan bago nila nakorner ang suspek na kinilalang si alyas Eric, residente ng naturang lugar bandang alas-5:00 ng madaling araw.

Natukoy ng mga operatiba ang kinaroroonan ng suspek matapos makatanggap ng tawag mula sa 911 sa pamamagitan ng Aklan Police Provincial Office sa umeskapong preso sa Integrated Rehabilitation and Security Unit o dating Aklan Rehabilitation Center.

Nadiskubre ang pagkawala ng suspek dakong alas-12:30 ng madaling araw ng Enero 1 nang magsagawa ng head count ang mga naka-duty na jail guard.

Sa kabilang daku, mahaharap sa dagdag na kasong robbery hold-up ang suspek matapos na looban nito ang isang bahay dakong alas-2:00 ng madaling araw at ninanakaw ang pera at cellphone .

Armado umano ito ng screw driver at tinangkang saksakin ang isa sa mga anak ng may-ari ng bahay.

Isa pang bahay ang pinasok ni alyas Eric, ngunit agad na tumakas nang matunugan ang pagtugis sa kanya ng mga awtoridad.

Nabatid na halos anim na buwan pa lamang itong nakapiit sa nasabing pasilidad.

Hindi na umano ito nanlaban dahil sa posibleng pagod sa kakatakbo.

Matapos maaresto, dinala ito sa police station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng dagdag na kaso laban sa kanya.

Samantala, sinabi sa Bombo Radyo ni alyas Eric na bandang alas-11:00 ng gabi sa bisperas ng Bagong Taon ay nakahanap siya ng pagkakataong maka-akyat sa pader hanggang sa matagumpay na nakatakas.

Isang motorsiklo aniya ang kanyang nakita sa labas ng piitan at sinakyan pauwi sa kanilang bahay sa Lezo.